Nag-anunsiyo ang ilang kompanya ng langis na magkakaroon ng dagdag sa presyo ng kanilang mga produkto simula Martes, Enero 15.
Ayon sa Shell at PTT Philippines, P2.30 ang kanilang dagdag sa kada litro ng diesel at P1.40 dagdag sa kada litro ng gasolina.
Magkakaroon din ang Shell ng P2 dagdag sa kada litro ng kerosene.
Ito ang ikalawang sunod na linggo nitong taon na nagkaroon ng taas-presyo sa petrolyo. Noong nakaraang linggo, nasa P0.70 ang taas-presyo sa kada litro ng diesel, P0.80 sa gasolina, at P0.40 sa kerosene.
SABAY SA EXCISE TAX
Nauna nang magpahayag ang ilang motorista at tsuper ng pamomroblema sa taas-presyong ipatutupad sa Martes dahil sa posibilidad na sumabay dito ang isa pang taas-presyo dahil sa ikalawang bugso ng excise tax o mas mataas na buwis sa langis.
Nauna nang sinabi ng Department of Energy (DOE) na maaari lamang ipataw ng mga kompanya sa bagong stock ng langis ang taas-presyo dahil sa excise tax.
Sa pagtatantiya ng DOE ay sa kalagitnaan o katapusan ng Enero mauubos ng mga kompanya ng langis ang kanilang lumang stock
--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Link:
[Hidden Content]