September 1, 20187 yr MAYNILA - Pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ulat na may barko mula China na tumutulong sa pag-alis sa sumadsad na BRP Gregorio del Pilar sa bahagi ng pinag-aagawang South China Sea. Sa panayam ng DZMM, sinabi ni AFP public affairs office chief Col. Noel Detoyato na walang barko ng China sa lugar. Sumadsad ang barko ng Philippine Navy noong Miyerkoles sa Hasa-Hasa Shoal sa West Philippine Sea, bahagi ng South China Sea na pinag-aagawan ng ilang bansa kabilang ang Pilipinas at China. Tanging mga barko ng Philippine Coast Guard lang umano ang tumutulong sa pagsalba sa sumadsad na barko, ayon kay Detoyato. Dagdag pa niya, sa ngayon ay patuloy ang pag-aalis ng gamit sa loob ng BRP Gregorio del Pilar. Binabawasan din umano ang bilang ng mga sakay nito para gumaan ang barko at mabilis na mahila kapag nag-high tide. Ayon rin kay Detoyato, iniimbestigahan pa ang sanhi ng pagsadsad ng barko sa lugar. Walang nasaktan sa insidente. Sa ulat ng South China Morning Post nitong Biyernes ng gabi, sinabi nitong nagpadala na ng mga barko ang Chinese coast guard sa lugar para tumulong sa pag-alis sa nasadsad na barko. -Henry Atuelan, ABS-CBN News
Create an account or sign in to comment